CAMP SIMEON OLA , Legazpi City ,Philippines – Karumaldumal ang sinapit ng isang biyuda na umano’y nangamkam ng lupa matapos na pagtatagain ay pagbabarilin pa ng hindi pa nakilalang mga salarin sa Brgy. Kinale, Polangui, Albay kahapon ng umaga. Kinilala ni Police Regional Office (PRO) V Spokesman Supt. Renato Battaler ang biktima na si Teresita Sazota, 60-anyos, residente ng Brgy. Malosbolos, Libon, Albay. Ayon kay Battaler, dakong alas-8:30 ng umaga habang ang biktima ay kabababa lamang sa sinasakyang tricycle ng biglang sumulpot ang dalawang salarin at pagbabarilin ito na hindi pa nakuntento ay pinagtataga pa. Bago tuluyang tumakas ay nagsisigaw pa ang mga suspek ng “huwag ninyong tularan ang babaeng ito, manga-agaw ng lupa,” anang mga salarin. Ang kasong ito ay patuloy na iniimbestigahan ng pulisya.