BULACAN, Philippines – Nababahala na ang mga residente at negosyante sa lalawigan ng Bulacan dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng krimen kung saan isa na namang negosyante ang binaril at napatay ng dalawang holdaper sa Barangay Poblacion sa bayan ng Bustos kamakalawa ng gabi.
Naisugod pa sa ospital subalit idineklarang patay si Florencio Domingo habang nakatakas naman ang riding-in-tandem na holdaper tangay ang gintong kuwintas ng biktima.
Sa police report, lumilitaw na pauwi na ang biktima lulan ng traysikel nang harangin at holdapin ng dalawang ‘di-kilalang lalaki sa madilim na bahagi sa nabanggit na barangay kung saan pumalag naman ito.
Nagalit ang isa sa holdaper sa pagtanggi ng biktima na ibigay ang gintong kuwintas kaya binaril ito sa dibdib.
Namukhaan naman ng traysikel drayber ang dalawang holdaper na pansamantalang hindi muna ibinunyag ang pagkakakilanlan habang isinasagawa ang follow-up operation ng pulisya.