Legazpi City, Philippines - Matapos makonsensya, binawi ng isang 21 anyos na babae ang paratang nitong biktima siya ng gang rape ng mga sundalo sa Masbate, ayon sa opisyal kahapon.
Sinabi ni Lt. Col Jun Pacatan, Commanding Officer ng Army’s 9th Infantry Battalion, binawi ng biktimang itinago sa pangalang Lanie ang kaniyang reklamo sa nilagdaan nitong affidavit of desistance noong Pebrero 20.
Sinabi ni Lanie kay Atty. Richard Riveral, Assistant Provincial Prosecutor ng Masbate na sumaksi sa paglagda na gawa-gawa lamang umano niya ang paratang at wala itong katotohanan.
Ayon sa nasabing babae walang nangyaring gang rape noong Enero 30 at Pebrero 2 sa loob ng military camp sa Brgy. Puro, Milagros ng lalawigan.
Ayon dito, nag-inuman lamang umano sila ng mga kaibigang sundalo at hindi siya ginahasa ng mga ito tulad ng kaniyang ipinakalat na balita na humantong sa korte.
Samantalang ng araw na sinasabing nangyari ang insidente sa Bravo Company ay wala ring narinig na ingay ang mga kasamahang sundalo ng mga inaakusahan.
Sa kabila nito, lilitisin pa rin sa kasong administratibo ang nasabing sundalo dahilan sa pagpapasok ng sibilyan sa loob ng kampo para sa inuman na labag sa patakaran ng militar.