MANILA, Philippines - Inaresto ng mga operatiba ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang umano’y talent manager ng TV 5 contract artist na si Gerald Santos at tatlong iba pa sa isinagawang entrapment operations sa Cavite at Las Piñas City kaugnay ng pagdukot sa nasagip na 9 anyos na child star wannabe.
Kinilala ni PNP-CIDG Chief P/Director Samuel Pagdilao Jr., ang nasakoteng mga suspect na sina Antonio Rommel Ramilo, 42, nagpakilalang talent manager ni Santos; Erlyn May “Em-em” Sarmiento, 21, dating personal assistant ng singer na si Kyla, ina ng suspect na si Marlyn at kapatid na si Mary Ann Custodio.
Bandang alas-10 ng umaga kamakalawa ng masakote sa Silangan Compound sa Brgy. Longos, Zapote V, Bacoor, Cavite ang suspek na si Em-em at ina nito na nakumpiskahan ng P15,000.00.
Sa follow-up operation ay nasakote naman ang dalawa pang suspect sa Dreamville Subdivision sa Carsadang Bago 2, Imus, Cavite kung saan nailigtas si Princess at naaresto si Mary Ann Custodio. Dakong alas-12:30 naman ng masakote sa isang mall sa Las Piñas City si Ramilo na nasamsaman ng P 12,000.00.
Ayon kay Pagdilao ang pag-aresto sa mga suspect ay kasunod ng isinampang reklamo ni Janette Baga-an, ina ng batang biktima na itinago sa pangalang Princess.
Sa testimonya ni Baga-an, isang negosyante ng bigas sa mga imbestigador ng PNP-CIDG nakilala niya ang suspect na si Em-em at ina nito noong nakaraang taon matapos ang mga itong tumira sa kaniyang bahay sa Brgy. Longos V, Bacoor, Cavite.
Si Em-em ay umano’y nagpakilala sa kaniya bilang dating PA ng singer na si Kyla at iba pang contract artist ng GMA 7 kung saan ay kinumbinse umano siya nito na payagan ang kaniyang anak na si Princess na sumali sa acting at singing workshop sa ilalim ng superbisyon ng sikat na mga popular artist tulad nina Santos, Kyla at Cacai Velazquez. Napilitan naman ang ginang na dumulog sa mga awtoridad na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek matapos na simula noong Pebrero 14 ay hindi na ng mga ito ibalik ang bata at hinihingan pa siya ng malaking halaga.