MANILA, Philippines - Napatay ang 67-anyos na bodyguard ng mayamang negosyante matapos na pagbabarilin ng riding-in-tandem na tumangay sa P 2 milyong halaga sa naganap na madugong holdapan sa Kabankalan City, Negros Occidental kamakalawa.
Napuruhan sa ulo ang biktimang si Celso Cari-an bodyguard ng sugar trader na si Herminia Ledesma.
Sa ulat ni P/Supt. Calixto Mabugat, hepe ng Kabankalan City PNP na isinumite sa Camp Crame, tinangkang pigilan ng biktima ang panghahablot ng dalawang holdaper sa bag na naglalaman ng malaking halaga kay Cheryll Begota, 32, kalihim ng kaniyang amo.
Lumilitaw na ineeskortan ng biktima si Begota na may bitbit na bag nang harangin at holdapin ng riding-in-tandem bandang alauna ng hapon matapos na matiktikan na may bitbit na malaking halaga.
Matapos na tutukan ng baril si Begota ay pilit na hinahablot ang dala nitong bag pero sumaklolo ang biktima kaya pinagbabaril.
Isinugod ang biktima sa Southern Negros Doctors Hospital pero idineklara patay matapos na mapuruhan ng bala.
Narekober sa crime scene ang 6-basyo ng bala ng cal. 45 pistol at dalawang bundles ng tseke ng Bank of Commerce.
Sa rogue gallery ng pulisya nabatid na ang mga suspek na hindi muna tinukoy ang pagkakakilanlan ay sangkot sa serye ng robbery/holdup sa nasabing lalawigan.