BATANGAS, Philippines – Isang testigo sa pagpatay kay PO3 Noel Magnaye Villalobos noong Nobyembre 12, 2011 sa Bayan ng Lemery, Batangas ang sinasabing pinagbabantaan ng ilang pulis-Taal na umatras na sa laban na itinuturong killer.
Si Gauidisio Labaguis na nag-iisang testigo sa pamamaril at pagpatay kay PO3 Villalobos ng isa ring pulis na si PO2 Lino Matira ay nakatatanggap ng pananakot at pagbabanta mula sa ilang pulis na sinasabing kaalyado ng suspek.
Base sa ulat ng Batangas Criminal Investigation and Detection Team, si Villalobos ay niratrat at napatay ng suspek habang nagpapa-change oil ng kanyang sasakyan sa bisinidad ng Bonifacio Street sa Barangay Lucky.
Nabatid na si Labaguis ay isa sa mga nakasaksi na lumutang noong Nob. 15, 2011 para kilalanin si PO2 Matira na isa sa dalawang pangunahing suspek sa krimen.
Sa ulat ng Batangas CIDT, lumilitaw na si PO3 Villalobos na masigasig sa kampanya laban sa operasyon ng illegal drugs at prostitution sa bayan ng Lemery ay pinatahimik para lumawak pa ang modus operandi ng sindikato.
Nabatid din sa source na malayang nakakalabas ng kulungan si PO2 Matira kung saan sinasabing pinapayagan ng mga guwardiya na makauwi at gumamit ng cellphone.