BULACAN, Philippines – Rehas na bakal ang binagsakan ng tatlong sibilyan na sinasabing nagpakilalang mga tauhan ng Land Transportation Office (LTO) makaraang masakote ng pulisya sa isinagawang entrapment operation sa Meycauayan City, Bulacan kahapon. Kinilala ni P/Supt. Hector Samar ang mga suspek na sina Mabel Remedios Mendoza, 50, ng Brgy. Prenza 1, Marilao; William Uiyab, 60, ng Brgy. Bagbaguin, Meycauayan City; at si Eduardo Semacio, 61, ng Brgy. Bulusan, Calumpit, Bulacan. Ang mga suspek ay inireklamo ng mga biktimang sina Annabelle Urbano ng Brgy. Pajo; Victoria San Pascual at si Pedro Cachuela Jr. kapwa nakatira sa Brgy. Camalig, Meycauayan City. Ayon pa sa pulisya, ang mga biktima ay nahikayat ng mga suspek na magbigay ng P.260 milyon bilang bayad sa mga prangkisa ng kanilang sasakyan subalit hindi natupad. Dito na nagsagawa ng entrapment operation ang pulisya kaya nasakote ang mga suspek.