CAMARINES NORTE ,Philippines – Sinibak sa puwesto kamakalawa ng hapon ang isang hepe ng pulisya sa mismong araw ng kapiyestahan ng bayan ng Paracale ng lalawigang ito sanhi ng kabiguang masugpo ang operasyon ng jueteng sa lugar na kaniyang nasasakupan.
Pormal nang pinalitan bilang acting Chief of Police si P/Sr. Insp. Honesto Garon ni P/Chief Insp. Arnulfo Maravilla Selencio, dating Police Information officer sa Camp Wenceslao Q. Vinzons Sr. Naganap ang turn over of command bandang alas-4 ng hapon sa Municipal Police Station. Sa ulat na natanggap mula kay P/Sr. Supt. Joselito Esquivel Jr. Provincial Director, ang nasabing kaatasan ay mula sa tanggapan ni Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo na agad naman nilang ipinatupad na nagkataon na araw ng kapistahan ng Mahal na Patron Nuestra Seniora the Candelaria.
Nabatid na ikinagulat ni Garon ang natanggap na relieve order na halos ilang buwan pa lamang nanunungkulan sa bayan ng Paracale. Kaugnay nito malaki ang posibilidad na isa sa mga naging dahilan ng biglaang pagkakasibak sa puwesto ni Garon ay ang nangyaring aksidente na kinasasangkutan ng dalawang minero sa Brgy Palanas- Paracale.