Guro binaril sa klasrum, patay

MANILA, Philippines ,Philippines  - Patay ang isang 51-anyos na guro matapos na pagbabarilin sa loob ng silid aralan ng dalawang armadong kalalakihan sa elementary school sa isang liblib na lugar sa bayan ng Palanas, Masbate nitong Biyernes ng umaga.

Sa phone interview, kinilala ni Masbate Police Officer in Charge Supt. Jeffrey Fernandez ang biktima na si Loida Pagatpat, 51-anyos, guro sa Antipolo Elementary School sa Brgy. Antipolo ng nasabing bayan.

Bandang alas-11 ng umaga ng maganap ang insidente sa loob ng silid aralan ng nasabing eskuwelahan habang abala ang nasabing guro sa pagtuturo sa kaniyang mga estudyante.

Sa inisyal na imbestiga­syon sinabi ni Fernandez na bigla na lamang pumasok ng walang pasintabi ang dalawang armadong salarin sa loob ng silid aralan na pinagtuturuan ng biktima.

Agad ng mga itong pinagbabaril ang biktima na agad nasawi sa insidente matapos magtamo ng tama ng bala sa ulo at iba pang bahagi ng katawan.

Nagpanik naman ang mga nahintakutang estudyante ng biktima na nasindak sa pangyayari habang mabilis namang tumakas ang mga suspek patungo sa hindi pa malamang destinasyon.

Inihayag ng opisyal na ina­alam pa ang baril na ginamit sa pagpatay sa biktima at ano ang motibo ng krimen.

Show comments