4 minero todas sa tunnel

MANILA, Philippines - Apat na minero ang iniulat na nasawi sa magkahiwalay na sakuna sa mga lalawigan ng Benguet at Camarines Norte kamakalawa.

Kinilala ng pulisya ang apat na namatay na sina Januario Lupa, Silvano Ondog, Christian Banal, at si Juan Bendecio Villanueva.

Sa ulat ni P/Chief Supt. Benjamin Magalong, sina Lupa at Ondog ay pumasok sa tunnel noong Sabado ng hapon sa Portal Level 1500 sa Camp 1 Acupan sa Barangay Virac sa bayan ng Itogon, Benguet.

Gayon pa man kinahapunan ng Linggo ay sinundan na ito ng kanilang mga kasamahan matapos hindi lumabas kung saan natagpuan ang bangkay ng dalawa.

Lumilitaw sa imbestigasyon na illegal na pinasok ng dalawa ang tunnel na ipinagbabawal sa mga minero dahil nagbubuga ito ng nakalalasong gas.

Ayon sa kontraktor ng 4J na si James Floresca, hindi kabilang ang dalawa sa mga minerong nasa listahan ng mga trabador sa minahan.

Samantala, sina Banal at Villanueva naman ay nalunod matapos pasukin ng tubig-dagat ang loob ng minahan na kanilang hinukay sa Purok Maligaya, Barangay Palanas sa bayan ng Paracale, Camarines Norte kamakalawa.

Ayon kay P/Chief Insp. Honesto Garon, hepe ng pulisya, posibleng gumamit ng pampasabog ang dalawa kaya natibag ang minahan at pinasok ng tubig.

Show comments