MANILA, Philippines - Pinatay ang mga kasamahan ko sa firing squad!
Ito ang maluha-luhang salaysay ng survivor na si Jerome Lunsol sa pagmasaker sa 15 mangingisda sa karagatan ng Sebago Island, Mohammad Ajul, Basilan noong Lunes.
Si Lunsol, kasalukuyang nagpapagaling sa isang hospital sa Zamboanga City ay nagtamo ng sugat sa ulo at katawan na masuwerteng nakaligtas sa insidente matapos na tumalon sa bangka.
Ang dalawa pang nakaligtas na sina Arvin Oponda at Boyet Lopez ay nakauwi na sa kanilang bayan sa San Pablo, Zamboanga del Sur. Nabatid na ang mga ito ayon kay Lunsol ay nakahiwalay ng bangka kaya nakaligtas sa trahedya.
Sa press briefing sa Camp Aguinaldo, ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Col. Arnulfo Marcelo Burgos Jr., isinalaysay pa ni Lunsol na pinatayo silang lahat na nasa 18 ang bilang sa kanilang bangka saka niratrat ng mga armadong kalalakihan.
Nagawa umano niyang tumalon sa tubig at sumisid sa kabila ng tinamong sugat bago natagpuan ng search and rescue team ng Philippine Navy sa tulong ng mga lokal na mangingisda.
Sinabi ni Burgos, ang insidente ay kasalukuyan ng iniimbestigahan ng Task Force Zambas sa pamumuno ni Director Felicisimo Khu.
Idinagdag pa nito na sa inisyal na imbestigasyon, lumilitaw na ang walang paalam na pagpasok ng mga biktima sa pangingisda sa teritoryo ng karagatang Sebago Island ang motibo ng pag-atake.
Sa 15 na nasawi, tanging ang bangkay ng apat na sina Ronald Buhian, Wilson Lunson, Kenneth Castillo at Leonardo Tamparong ang narekober sa lugar kung saan ang labi o katawan ng 11 pang inihagis sa dagat ng mga armadong suspek ay patuloy na pinaghahanap.
Samantalang inihayag naman ni Col. Ricardo Visaya, Commander ng Army’s 104th Infantry Brigade na tumulong na rin sa search operation ang mga eroplano ng United States para sa paghahanap ng mga nawawala pang bangkay.