NUEVA ECIJA, Philippines – Pinagbabaril at napatay ang mag-amang negosyante sa panibagong insidente ng holdapan sa Barangay San Pascual sa bayan ng Talavera, Nueva Ecija kamakalawa ng gabi.
Naisugod pa sa PJG Annex Hospital subalit idineklarang patay ang mag-amang Eduardo Molina, 64; at Alexander Molina, 22, may-asawa, kapwa nakatira sa Barangay San Isidro, Cabanatuan City, Nueva Ecija.
Base sa police report, magkasamang naghahapunan sa Leony’s Restaurant ang mag-asawang Eduardo, Amalia at ang anak na si Alexander kasama rin ang dalawa nilang helper nang lapitan ng dalawang di-kilalang lalaki.
Kasunod nito ay hinablot ng isa sa holdaper ang bag ni Amalia na naglalaman ng P380,000 at tseke (P113,000),kung saan magkasunod na tumakas palayo ng nasabing lugar.
Subalit hinabol ng mag-ama ang papatakas na mga holdaper palabas ng restaurant subalit umalingawngaw ang sunud-sunod na putok ng baril kung saan duguang butmulagta ang mga biktima.
Matapos mapatay ang mag-ama ay nagmamadaling sumakay sa naghihintay na van ang dalawang holdaper kung saan sinasabing tumakas patungo sa direksiyon ng San Jose City.