SAN ILDEPONSO, Bulacan ,Philippines – Isang dating miyembro ng CAFGU ang inaresto ng pulisya kaugnay ng pagkakasangkot sa mga kasong kriminal partikular na ang carnapping sa lalawigang ito at mga karatig lugar. Hindi na nakapalag pa sa mga tauhan ni Provincial Director P/Sr.Supt.Fernando Mendez Jr. ng arestuhin ang suspek na si Niño Dagan alyas Unyo/Daga 36, residente ng Brgy.Maasim sa bayang ito. Inaresto si Dagan sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Teodora Gonzales ng Regional Trial Court (RTC) Branch 14 sa Malolos City dahil sa dalawang kaso ng robbery at isang kaso ng carnapping at umaabot sa halagang P.4 milyong piso ang kanyang piyansa.Base sa ulat muling namataan ang suspek dakong alas 2 ng hapon na bumalik ito sa kanilang bahay matapos ang mahabang panahon ng pagtatago sa iba’t ibang lugar at ng makumpirma ay agad na sinalakay ang naturang lugar na nagresulta sa pagkakaaresto nito. Napag-alaman din na ang suspek ay miyembro ng Wilfredo Rambaoa alyas Kulet carnapping / robbery holdup group na may hideout sa Brgy. Banca-Banca sa bayan ng San Rafael, Bulacan matapos itong sumapi sa CAFGU.