MANILA, Philippines - Masuwerteng nakaligtas sa ambush si Cotabato City Vice Mayor Muslimen Sema na nasugatan sa insidente habang napaslang naman sa shootout sa kaniyang mga bodyguard at nagrespondeng mga pulis ang gunman na nanambang sa kaniyang convoy sa Brgy. Rosary Heights 7 ng lungsod na ito kahapon.
Sa phone interview, sinabi ni Cotabato City Police Director P/Sr. Supt. Danny Reyes, naganap ang pananambang sa kahabaan ng Santa St., Brgy. Rosary Heights 7 ng lungsod na ito dakong alas-11:20 ng tanghali.
Ayon kay Reyes, bagaman nasugatan si Sema ay daplis lamang ito at ‘stable’ na ang kalagayan sa Notre Dame Hospital.
Nabatid na kagagaling lamang ni Sema sa pagpupulong ng sangguniang panglungsod at pauwi na para mananghalian ng tambangan ng suspek na si Sermin Malaquial Abdullah na lulan ng motorsiklo sa lugar ang kulay itim na Montero ng lokal na opisyal.
Nakaganti naman ng putok ang mga bodyguard nito at ang mga nagrespondeng elemento ng pulisya na nakabarilan ang suspek na armado ng baby armalite rifle na may silencer.
Naisugod pa sa Cotabato Regional Hospital ang suspek pero binawian rin ng buhay dakong alas-2:15 ng hapon.