MANILA, Philippines - Patay ang isang radio broadcaster at editor-in- chief ng isang lokal na pahayagan matapos na pagbabarilin ng riding in tandem sa Brgy. Lagao, General Santos City nitong Huwebes ng gabi.
Kinilala ni General Santos City Police Director P/Sr. Supt. Cedric Train ang biktima na si Christopher Guarin, 42-anyos, broadcaster sa Radio Mindanao Network-General Santos City at publisher/editor-in-chief ng Tatak News, residente ng Naval Subdivision sa naturang lungsod.
Ayon kay Train ang biktima ay nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan na siya nitong dagliang ikinasawi.
Nabatid pa na ang biktima ay dati ring reporter ng Bombo Radyo General Santos, naging manager rin ng super radio bago naging blocktimer sa iba pang himpilan.
Sa imbestigasyon, sinabi ni Train, bandang alas-10:15 ng gabi ng mangyari ang insidente sa Sunrise Subdivision sa Brgy. Lagao ng lungsod habang minamaneho ng biktima ang kaniyang kulay puting KIA Pride (UTN 383) pauwi sa kanilang tahanan kasama ang misis nitong si Lyn at 9-anyos na anak na babaeng si CJ.
Sa salaysay ni Lyn sa mga imbestigador, kagagaling lamang nila sa himpilan ng radyo matapos ang programa ng kaniyang mister ng sundan ng motorcycle riding in tandem at pagbabarilin sa kaliwang bahagi sa tapat ng upuan ng driver pagsapit sa may Conel Road, Brgy. Lagao ng lungsod na ito.
Nabatid na sa kabila ng nagtamo ng tama ng bala ng cal. 45 pistol sa unang bugso ng putok ng baril ay nagawang makalabas ng behikulo ng biktima na nagtatakbo ng may 12 metro upang hindi madamay ang kaniyang mag-ina pero hinabol ng mga suspek at tuluyang tinapos.
Bago ang pamamaril sa biktima ay nakatanggap pa ito ng death threats. Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa motibo ng krimen.