Bahay pinasabog: Buntis, 1 pa utas

MANILA, Philippines - Dalawa-katao kabilang ang misis na buntis ang iniulat na nasawi habang dalawang iba pa ang nasugatan matapos sumabog ang granada sa silong ng kanilang bahay sa Barangay Libo-on sa bayan ng Mambusao, Capiz kamakalawa.

Kinilala ang mga nasawi na sina Ritchelle Marquez, 21, 8-buwang buntis; at Nerissa Lavado na kapwa nakatira sa nasabing barangay.

Si Marquez ay nagtamo ng matinding sugat sa katawan na halos mawakwak ang tiyan nito habang si Lavado naman ay tinamaan ng shrapnel sa ulo at hita.

Samantala, isinugod naman sa ospital ang mga sugatang sina Maria Sangrones, 52; at Marinelle Marquez.

Sa ulat na nakarating kay P/Senior Supt. Domingo Cabillan, bandang ala-una ng madaling-araw nang hagisan ng granada ang silong ng bahay ng mga biktima na nakatulog matapos ang pagsalubong sa Bagong Taon.

Sa pahayag ng pamilya  Marquez sa pulisya na posibleng may kinalaman sa pagpapasabog ang kasong rape na isinampa ng pamilya laban sa isang miyembro ng maimpluwensyang angkan sa kanilang komunidad.

Lumilitaw na tinanggihan ng pamilya Marquez ang alok na P50,000 areg­lo ng pamilya ng isa sa isinakdal na suspek.

Show comments