BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines – Umaabot sa 29-katao sa Region 2 ang iniulat na nasugatan sa paputok sa pagsalubong sa Bagong Taon, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.
Kabilang sa mga nasugatan na isinugod sa People’s General Hospital ay sina Juanito Sy, Carmelita Dayag, Lemuel Caronan at Harold Alpino na pawang nakatira sa Tuguegarao City, Cagayan.
Kinilala naman ang tinamaan ng ligaw na bala na si Almax Bacud ng Barangay Linao Norte na naisugod sa Cagayan Valley Medical Center.
Sa Cagayan ay aabot sa apat ang biktima habang sa Nueva Vizcaya ay 6, sa Isabela ay 8, habang sa mga lalawigan ng Quirino at Batanes ay walang naging biktima ng paputok sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Sa ulat ni P/Chief Supt. Rodrigo de Gracia, bagama’t may mga insidente ng paputok ay mapayapa pa rin ang pagsalubong ng mga residente sa pagpasok ng 2012. Samantala, sampung iba pa ang unang iniulat na naging biktima ng paputok sa region 2 nitong mga huling araw ng Disyembre, ayon naman sa tala Department of Health.