MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines – Kamatayan ang sumalubong sa nalalapit na Bagong Taon sa isang 6-anyos na batang lalaki habang kritikal naman ang kanyang ama matapos sumabog ang bultu-bultong paputok sa loob ng traysikel sa Barangay Partida sa bayan ng Norzagaray, Bulacan kamakalawa ng gabi.
Namatay habang ginagamot sa Norzagaray Municipal Hospital si John Ezekiel Silva, samantala inoobserbahan naman ang kanyang ama na si Noli Silva, kapwa nakatira sa bayan ng Guimba, Nueva Ecija.
Sa police report na nakarating kay Bulacan PNP director P/Senior Supt. Fernando Mendez, lumilitaw na aabot sa halagang P30,000 ang pinamiling paputok sa bayan ng Bocaue ang mag-ama bago isinakay sa kanilang traysikel.
Habang bumabagtas ang traysikel ng mag-ama patungo sa Nueva Ecija ay biglang sumabog ang pinamiling paputok pagdating sa Barangay Partida.
Nagkalat sa kalsada ang mga pira-pirasong paputok at maging sa mga punungkahoy ay nakasabit ang iba’t ibang uri ng paputok kung saan nabasag pa ang mga salamin ng ilang bahay dahil sa lakas ng pagsabog.
Ayon kay Dr. Joselito Santiago, municipal doctor ng Norzagaray, matindi ang pinsala sa ulo ng bata kaya hindi nakayanan ang pakikipaglaban kay kamatayan.
Ayon kay P/Supt. Bruno Viola, Jr., hepe ng Norzagaray PNP, lumilitaw na nag-init ang tambutso ng traysikel kaya nadamay ang mga paputok.