BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines — Nagkapasa-pasa ang katawan ng isang 34-anyos na ministro ng simbahan matapos gulpihin sa loob ng Land Transportation Office ng isang kawani ng ahensya noong Martes ng umaga sa bayan ng Bayombong.
Kinilala ang pinagsusuntok na biktima na si Ricardo De Leon Jr., ministro ng Church of Christ at naninirahan sa Barangay Magsaysay Hills, Bambang.
Sa reklamo ng biktima sa mga mamamahayag, nagtungo sa loob ng LTO Bayombong ang biktima upang ayusin sana ang kanyang driver's license.
Subalit nakaligtaan nitong magdala ng ballpen kaya napilitan siyang humiram sa suspek na nakilalang si Randy Binalay.
Sa halip na pahiramin ng suspek ay pinagsabihan ang biktima na hindi nagpapahiram ng ballpen ang nasabing ahensiya.
“Kung magsasaka ka dapat ay may panabas ka, at kung pupunta sa opisina, dapat ay may dala kang ballpen,” pabulyaw na wika ni Binalay sa biktima.
Dahil dito, nanghiram na lamang ang biktima sa isang estudyante na kanyang katabi kung saan ito nagkomento na mayabang ang suspek subalit narinig naman ng suspek.
Pagkatapos nito ay agad na sinita ng suspek ang biktima kasabay na pinagsusuntok hanggang sa matumba ito sa sahig.
Sa kabila ng maraming mga nakasaksi ay nagawa pa ng suspek na hilain ang biktima palabas ng opisina, samantalang itinanggi naman ng suspek ang akusasyon ng biktima.