MANILA, Philippines - Natagpuang patay ang isa sa police rescuer habang patuloy pang pinaghahanap ang dalawa pa nitong kasamahan na pinaniniwalaang namatay na rin matapos na tangayin ng malakas na agos ng tugib-baha sa kasagsagan ng search and rescue operation sa mga residenteng naapektuhan ng bagyong Sendong noong Sabado sa Cagayan de Oro City.
Kinumpirma ni PNP Chief Director General Nicanor Bartolome, ang pagkakakilanlan sa rescuer na nagbuwis ng buhay na si SPO1 Charlon Edrote.
Si SPO1 Edrote ay natagpuan ng search and retrieval team habang ang survivor na si SPO2 Roque Balestoy ay napadpad naman sa may Camiguin island matapos tangayin ng malakas na agos ng tubig baha.
Patuloy namang pinaghahanap ang dalawa pang nawawalang rescuer na tinukoy sa pangalang P/Inspector Penaliar at PO2 Sandy Labadan.
Ipinaabot na ni Bartolome ang pakikidalamhati ng liderato ng PNP sa mga naulila ng bayaning rescuer.
“This should not dampen the spirit of your policemen, kasi tayo talaga sa service ay laging may kaakibat na risk at nakahanda naman lagi tayo sa ganitong pagkakataon,” dagdag pa ni Bartolome
Sa kabila nito, sinabi ng PNP Chief na umaasa silang buhay na marerekober ang dalawa pang nawawalang pulis na kabilang sa search and rescue team.
Tiniyak rin ni Bartolome ang financial assistance sa pamilya ng nasawing pulis kung saan gagawaran ng posthumous promotion.