3 arestado sa gunrunning

TUGUEGARAO CITY, Philippines — Isang kawani ng Department of Health kasama ang dalawa pang kawani na sangkot sa gunrunning operation ang nasakote ng pulisya sa isinagawang anti-gunrunning entrapment, ayon sa ulat ng Cagayan PNP kamakalawa. Nalambat sa operasyong pinangunahan ni P/Chief Insp. Ramon Macarubbo Jr. ang mga suspek na sina Victor Pugnuran, 33, kawani ng DOH regional office; Rico Quinto, 37, bank teller; at si Christopher Mallabo, assistant manager sa gasolinahan sa nabanggit na lungsod. Nasamsam sa mga suspek ang isang K6 9mm machine pistol na may silencer, Ingram machine pistol na may silencer, dalawang cal. 45 pistol at mga bala. Ang entrapment operation ay isinagawa sa parking lot ng mall sa nasabing lungsod.

Show comments