MANILA, Philippines - Nasakote ng mga pinagsanib na elemento ng militar at pulisya ang pang -97 suspek sa karumal-dumal na Maguindanao massacre noong 2009 sa follow-up operation sa bayan ng Mamasapano ng lalawigan kamakalawa ng hapon.
Sinabi ni AFP Eastern Mindanao Command (EastMincom ) Spokesman Col. Leopoldo Galon na ang suspek na si Mads Utto ay nasakote bandang alas-2 ng hapon matapos matunton ang pinagtataguan nito sa Brgy. Manungkaling, Mamasapano, Maguindanao.
Hindi na nakapalag ang suspek na nakumpiskahan ng arresting team ng isang M16 rifle, apat na rifle grenade at isang hand grenade.
Ayon kay Galon, nasakote si Utto sa pinagsamang puwersa ng 45th Infantry Battalion (IB) ng Philippine Army at Maguindanao Provincial Police Office (PPO) sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Jocelyn Solis-Reyes sa Branch 221 ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) sa kasong 57 counts ng murder.
Magugunita na noong Nobyembre 23, 2009 minasaker ang 57 katao kabilang ang 32 mediamen sa Ampatuan, Maguindanao sa karumal-dumal na krimeng iniuugnay sa maruming laro ng pulitika ng maimpluwensyang angkan ng mga Ampatuan.