Inasunto ang nakaalitan, tinodas

MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines - Hindi na maipagpatuloy ng isang 45-anyos na mister ang kanyang inihaing demanda makaraang pagbabarilin ng lalaking kanyang inaakusahan sa loob ng pampasaherong jeepney sa Barangay San Vicente, Malolos City, Bulacan kahapon. Walong bala ng baril ang tumapos sa buhay ni Henry Casipit ng Fabella Plainview, Mandaluyong City habang tinutugis naman ng pulisya ang suspek na si Vivencio Abaredes Jr. ng San Francisco Del Monte, Quezon City. Sa ulat ni P/Supt. David Poklay, lulan ng jeepney ang biktima patungo sa korte upang dumalo sa pagdinig sa kasong attempted homicide na inihain laban sa suspek. Sa hindi inaasahang pagkakataon ay nakasakay ng biktima ang suspek kung saan isinagawa ang pamamaril sa loob ng sasakyan. Narekober naman sa biktima ang ilang dokumento laban sa suspek.

Show comments