CAMARINES NORTE , Philippines — Pinaghahanap ngayon ng mga awtoridad at posibleng magdiwang ng Kapaskuhan sa kulungan ang dating gobernador ng Camarines Norte at dalawa pang dati ring mga opisyal dahilan 'di-umano sa isang maanomalyang transaksyon na kinasasangkutan ng tatlo sa isang pampublikong paaralan sa lalawigang ito.
Batay sa kautusan ng Sandiganbayan Quezon City Third Division na nilagdaan ni Francisco H. Villaruz, Jr., Presiding Justice, Chairperson, Third Division, nahaharap sa kasong Malversation thru Falsification of Public Documents sina ex-governor Jesus “ Atoy” Typoco Jr., dating Provincial Treasurer Lorna Coreses at dating School Division Superintendent Ariston Villareal at walang inirekomendang piyansa ang korte sa mga ito.
Nahaharap din sa kasong paglabag ang tatlo sa Section 3 ng Republic Act 3019 na may piyansang halagang P30,000 bawat isa. Nabigo ang grupo ni P/Supt. Allan Ramos, Daet Chief of Police, na maaresto ang dating opisyal sa resthouse nito.
Ayon sa source ang nasabing kaso ay nag-ugat 'di-umano sa isang maanomalyang transaksyon sa Daet Elementary School sa bayan ng Daet, Camarines Norte na sinasabing pinondohan ng halagang P300,000.00 ang isang computer room na isa umanong “ghost project” noong taong 2007 batay sa isang reklamo ng isang miyembro ng mamamahayag sa lalawigan.