MANILA, Philippines - Isang ina at lima nitong anak ang nasugatan makaraang aksidenteng matanggalan ng pin ng isang aso ang granadang nakalkal nito sa lupa sa ilalim ng bahay na kubo ng pamilya ng kaniyang amo sa bayan ng Laoac, Pangasinan nitong Huwebes ng gabi.
Ayon kay Pangasinan Provincial Police Office (PPO) Director P/Sr. Supt. Rosueto Ricaforte, natagpuan rin sa explosion site ang nagutay na katawan ng alagang aso ng pamilya sa nangyaring insidente sa Brgy. Calmay, Laoac dakong alas-7 ng gabi.
Kinilala ng opisyal ang mga nasugatang biktima na sina Sarah Padaoan, 38-anyos; mga anak nitong sina Fredalyn, 13, Grade V pupil; Simon, 11, Grade II; Alfredo, 10, Grade 1; Roderick, 8 at John Carl, 3-anyos. Ang mga ito ay kasalukuyan nang nilalapatan ng lunas sa Pangasinan Provincial Hospital sa San Carlos City matapos na magtamo ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan mula sa shrapnel ng sumabog na granada.
Sinabi ni Ricaforte, base sa imbestigasyon katatapos lamang maghapunan ng mga biktima ng maganap ang pagsabog mula sa ilalim ng kanilang kubo matapos na magkalkal ng lupa ang alagang aso ng mga biktima.
Hinihinala namang nakita ng aso ang taong nagbaon ng granada sa lupa sa ilalim ng bahay ng pamilya at dahilan sa sobrang kakulitan ng naturang hayop ay kinalkal ito na naging mitsa ng pagsabog.