3-anyos nalason sa mantika

MANILA, Philippines - Patay ang isang 3-anyos na batang lalaki samantalang nakaratay naman sa pagamutan ang tatlo pa nitong mga kapatid matapos na umano’y malason sa inulam na kontaminadong mantika ng baboy sa bayan ng Balete, Aklan kamakalawa.

Nakilala ang nasawing biktima na si Daryll Zonio, 3 at residente ng Brgy. Oquendo, Balete, Aklan habang ginagamot naman ang mga kapatid nitong nasa edad 9, 7 at 5.

Batay sa ulat na nakarating sa Camp Crame, dakong alas-6 ng gabi ng sabay-sabay na maghahapunan ang mga bata na nag-ulam ng mantika ng baboy na binudburan ng konting asin sa hapag kainan ng kanilang tahanan sa Brgy. Oquendo ng bayang nabanggit.

Sinasabing wala uma­nong pambili ng ulam ang mga magulang ng mga biktima kung kaya’t naiisip ng mga itong ulamin ang mantika ng baboy.

Gayunman, matapos maghapunan ay agad na nakaramdam ng pananakit ng tiyan ang mga biktima kasunod ang pagsusuka at pagtatae dahilan upang isugod ang mga ito sa pagamutan su­balit hindi na nailigtas pa ang buhay ng batang si Daryll.

Ayon sa mga magulang ng biktima, matagal ng nakaimbak ang mantika ng baboy na kanilang ginawa nang magkatay upang ibenta may ilang buwan na ang nakalipas.

Samantalang ang sample ng mantika ng baboy na inulam ng mga bata ay dinala na rin sa pagamutan upang masuri kung ito nga ang dahilan ng pagkakalason ng mga biktima.

Show comments