OLONGAPO CITY, Philippines – Hindi nagtagal ang kalayaan ng isang lalake na itinuturong pangunahing suspek sa pagpatay sa isang negosyanteng Intsik at kasambahay nito nang maaresto ito sa burol ng huli sa Barangay Baretto, lungsod na ito.
Ayon kay P/Chief Insp. Cesar Cabling, hepe ng Olongapo City Police Office Station 1, kinilala ang suspek bilang si Danilo Arlita, 42, tubong-Barangay San Jose, Northern Samar.
Nabatid na si Arlita ay pangunahing suspek sa pagpatay kina Leon Ong, 50, may-ari ng Zambales Hardware sa 45-18th St., East Bajac-Bajac, Olongapo City; at kasambahay na si Lanie Guererro, na asawa ng suspek.
Sa imbestigasyon, naniniwala ang pulisya na selos ang nagbunsod sa suspek upang patayin ang mga biktima dahil may hinala ito na may relasyon sina Ong at Guererro, lalo pa’t isang stay-in maid ang babae at ang pamilya naman ni Ong ay nasa Maynila.
Bago umano ang insidente, ayon sa mga saksi, pinuntahan ni Arlita ang asawa sa apartment ni Ong upang himuking umuwi muna sa kanilang bahay, bagay na tinanggihan ng babae. Ito umano ang posibleng naging dahilan upang sumidhi ang pagseselos ng suspek.
Dakong alas-3:30 ng madaling -araw noong Nobyembre 22 nang marinig ang lakas na pagsigaw ni Guererro mula sa apartment ni Ong at nang magsiyasat ang pulisya ay nadiskubre ang walang buhay na mga biktima. Wala umanong nawalang gamit ang negosyante kaya inalis ang teorya ng pagnanakaw.
Dahil naman sa konsensya, tinangkang sumilip ng suspek sa burol ng asawa sa Barangay Baretto upang humingi ng tawad ngunit naroon na rin ang mga undercover na pulis na umaresto dito.