2 bomba narekober sa ika-2 taong anibersaryo ng Maguindanao

MANILA, Philippines - Dalawang bomba ang narekober sa national highway may ilang metro lamang ang layo sa massacre site ng 57 katao sa ika-2 taong anibersaryo ng paggunita sa karumal-dumal na krimen sa Ampatuan, Maguindanao kahapon.

Ayon kay P/Director Felicisimo Khu, Chief ng Directorate for Integrated Police Operations-Western Mindanao, ang dalawang Improvised Explosive Device (IED) ay itinanim sa kahabaan ng national highway patungo sa massacre site sa Sitio Masalay, Brgy. Salman ng na­sabing bayan.

Sinabi ni Khu na isa sa mga bomba ay gawa sa 105 MM at isa naman sa 81 MM mortar na may nakakabit na bahagi ng two-way radio, isang circuit diagram, dalawang blasting caps at 19-volt battery.

Nilinaw naman ni Khu na taliwas sa unang napaulat na lima ang narekober na bomba subalit dalawa lamang na magkakasunod na narekober ng Explosives and Ordnance Team ng Philippine Army at ng pulisya bandang alas-5:30 ng uma­ga sa nasabing lugar.

Samantalang ang na­ireport na pagsabog ng bomba sa may Phoenix gasoline sa bayan ng Ampatuan, ayon sa opisyal ay bahagi lamang ng pagdetonate sa narekober na pampasabog na napagkamalang aktuwal na pagsambulat ng eksplosibo bunga ng pagpapanik ng mga tao.

Narekober ang bomba bago ang interfaith rally sa massacre site na pina­ngunahan nina Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo at Maguindanao Governor Esmael "Toto" Mangudadatu na ang 16 miyembro ng pamilya ay kabilang sa minasaker.

Kahapon ay ginunita ang ikalawang anibersaryo ng pinakamadugong election related violence hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo.

Kabuuang 57 katao kabilang ang 32 mamamahayag ang pinatay sa masaker habang isa pa ang nawawala na nabigong matagpuan sa massacre site ang bangkay.

Samantalang sa kabuuang 196 suspect sa pangunguna ng maimpluwensyang angkan ng mga Ampatuan, itinuturong mastermind ay aabot lamang sa 95 ang naaresto ng mga awtoridad at 101 pa ang pinaghahanap. Ayon sa opisyal patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy kung sinong grupo ang nasa likod ng pagtatanim ng bomba na naglalayong gambalain ang anibersaryo ng Maguinda­nao massacre.

Show comments