OLONGAPO CITY ,Philippines – Pinaniniwalaang kapabayaan ng kapulisan sa seguridad ng mamamayan sa Olongapo City ang isa sa dahilan kaya naganap ang brutal na pamamaslang sa isang Tsinoy trader at kasambahay nito makaraang pagsasaksakin kahapon ng madaling-araw sa Barangay East Bajac-Bajac sa nasabing lungsod.
Bandang alas-3:30 ng madaling-araw nang matagpuan ang duguang katawan ng mag-among Leon Ong y Tan, 50, may-ari ng Zambales Hardware at Lanie Guerrero, kapwa nakatira sa #45, 18th Street.
Ayon sa ulat ng pulisya, ang bangkay ni Ong ay natagpuan sa loob ng kanyang silid sa ikalawang palapag ng apartment habang si Guerrero naman ay duguang nakahandusay sa sala na kapwa tadtad ng saksak sa iba't ibang bahagi ng katawan.
Base sa inisyal na ulat ni P/Chief Insp. Cesar Cabling, hepe ng Olongapo City PNP station 1, umalingawngaw ang kaguluhan sa katabing apartment ng mga stay-in worker ng nasabing hardware kaya naalimpungatang nagising sina Jemar Dolero, Randy Dolero, at Emmanuel Quejome.
Nang matiyak na nagmumula ang kaguluhan sa silid ng kanilang amo, agad na humingi ng tulong si Quejome sa mga awtoridad.
Lumilitaw na winasak ng ‘di-kilalang lalaki ang door knob ng silid ni Ong at isagawa ang pamamaslang.
Nagkalat naman ang mga gamit sa loob ng kuwarto ni Ong na pinaniniwalaang may hinahanap na mahalagang bagay.
Kasunod nito, tugis naman ng pulisya ang mister ni Guerrero na pinaniniwalaang isa sa pangunahing suspek na sinasabing tumindi ang selos kay Ong.
Pinaniniwalaan namang kapabayaan ng pulisya na ipatupad ang peace and order sa Olongapo City kaya patuloy ang paglaganap ng krimen.
Samantala, kinondena naman ng mga mamamahayag ang pamunuan ng Olongapo City PNP dahil sa pagtatago ng mga ulat na nagaganap sa krimen tulad ng pagsalakay ng mga miyembro ng Akyat-Bahay Gang para hindi mabasa ng publiko.