SOLANO, Nueva Vizcaya, Philippines – Anim na bayan na sa Cordillera na kinabibilangan ng Baguio City ang nakiisa sa pagbabawal sa pagnganganga at pagdudura sa mga pampublikong kalsada.
Ito ay matapos na makibahagi na rin ang bayan ng Lamut, Ifugao sa kampanya ng pagbabawal sa mga may bisyo ng nganga na kalimitang idinudura sa mga mataong lugar.
Nakasaad sa nasabing ordinansa na papatawan ng kaukulang multa at pagkakulong ang maaktuhang kumakain ng nganga (momma) sa lahat ng opisina at gusali ng gobyerno, sa mga plaza, lansangan, waiting sheds, palengke at iba pang mataong lugar.
Ang pagnganganga ay nakaugalian na ng mga katutubong Igorot lalo na sa mga Ifugao bilang bahagi ng kanilang nakagisnan na tradisyon.
Subalit ayon sa ilang mga residente, ang pagbabawal sa nasabing nakasanayan ay nararapat lamang upang mabigyan ng disiplina ang mga nagnganganga na huwag basta dumura sa kahit sang lugar.
Maliban sa Baguio City na naunang ipinagbawal ang pagnganganga ay ipinagbawal na rin ito sa Bontoc, ang kabisera ng Mountain Province, Sabangan, Lagawe, Kiangan at Lamut sa Ifugao.