MANILA, Philippines - Kamatayan ang sumalubong sa isang 50-anyos na Koreana habang dalawa pa nitong kasamahan ang nasugatan makaraang magbanggaan ang sinasakyang banana boat at pumpboat sa karagatan ng Barangay Maribago, Lapu-Lapu City, Cebu kamakalawa.
Kinilala ang nasawi na si Ji Sung Ok habang ginagamot naman sa Mactan Doctor’s Hospital sa Barangay Basak ang mga sugatang sina Lee Ug Kyung, 56; at Park Mi So, 51.
Sa ulat ni P/Senior Supt. Anthony Obenza, ang tatlong babaeng Koreana na naka-billet sa Sea Adventures Aqua Sport Resort sa Barangay Maribago ay magkatuwang mag-banana boat ride na hinihila ng jetski ni Jovanni Paquibot ng Brgy. Sabang, Olango Island.
Napag-alamang hindi napansin ni Paquibot ang paparating na pumpboat ni Alsin Tungco na may sakay namang 10-lokal na turista kaya naganap ang trahedya.
Tumilapon ang tatlong Koreana na walang life vest kung saan isa sa mga ito ang idineklarang patay sa nasabing ospital.
Pormal naman kinasuhan ng pulisya sina Paquibot at Tungco bunga ng insidente.