CAMARINES NORTE, Philippines – Napatay ang isang 25-anyos na lalaki na isinasangkot sa iba’t ibang kasong kriminal makaraang mabaril sa loob ng patrol car dahil sa pang-aagaw ng baril ng pulisya sa Barangay Masalong sa bayan ng Labo, Camarines Norte kamakalawa ng umaga. Sa ulat na nakarating kay P/Senior Supt. Roberto Fajardo, nabatid na ihahatid sana ng mga operatiba ng pulisya ang akusadong si Jhobelle Romobio sa Bulacan Regional Trial Court Branch 19 para litisin sa kasong robbery with homicide nang mang-agaw ito ng baril. Dito na nagpambuno sina PO2 Francis Obusan at Romobio sa loob ng patrol car kung saan napilitang barilin ni P/Chief Insp. Cesar Gerente ang akusado para hindi na makapanakit ng ibang kasamahang pulis. Si Romobio na nakatira sa Brgy. Calaburnay, Paracale, Camarines Norte ay nahaharap din sa kasong frustrated murder sa sala ni Judge Roberto Escaro ng Daet RTC Branch 39.