MANILA, Philippines - Umaabot sa 200 rounds ng bala ng malalakas na kalibre ng baril ang nasamsam ng tropa ng militar matapos maharang sa inilatag na checkpoint sa kahabaan ng highway ng bayan ng Tamparan, Lanao del Sur kamakalawa.
Sa ulat ni Col. Daniel Lucero, commander ng Army’s 103rd Infantry Brigade, bandang alas-8:50 ng umaga nang masabat ng Bravo Company ng Army’s 65th Infantry Battalion ang naturang mga bala. Nasabat ng mga sundalo ang asul na multicab (MDY-479) ni Alexander Macalnas, 26, ng Ditsaan Ramain, Lanao del Sur. Gayon pa man, iginiit ni Macalnas na binayaran lamang siya para ibiyahe ang mga bala na nakumpiska sa checkpoint at hindi niya kilala ang may-ari nito.
Pinaniniwalaan namang ang mga bala ng cal. 50 machine gun na nagkakahalaga ng P500.00 bawat isa ay supply ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na nag-ooperate sa Lanao Province. Isinailalim na sa tactical interrogation si Macalnas na ngayo’y nahaharap sa kasong kriminal.