MANILA, Philippines - Matapos ang ilang araw na pagtatago, lumutang at sumuko na kahapon ang pangunahing suspek sa pananaksak at pagkakapatay sa ama ni international singing sensation Charice Pempengco noong Lunes ng gabi sa bayan ng San Pedro, Laguna.
Sa ulat ni P/ Senior Supt. John Bulalacao na nakarating sa Camp Crame, bandang alas-2:30 ng hapon nang sunduin ni Chairman Rolando Pagkaliwangan ng Barangay Santiago ang suspek na si Angel Capili Jr., bago dinala kay General Trias, Cavite Mayor Luis “Jonjon” Ferrer IV.
Ang suspek ay ihaharap kay PNP Chief Director General Nicanor Bartolome, Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo at inaasahang darating sa PNP Headquarters sa Camp Crame si Charmaine Clarice Relucio Pempengco na kilalang Charice Pempengco.
Una nang nagpaabot ng surrender feeler ang suspek sa mga awtoridad sa pamamagitan ng misis nito na residente sa Brgy. Santiago, General Trias, Cavite matapos namang mangamba ang pamilya nito dahil sa pagpalabas ng P200,000 pabuya ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan sa Laguna.
Gayundin, nagpakalat na ang Laguna PNP ng mga larawan ng suspek para sa mabilisang ikaaresto nito.
Si Capili ang itinuturo ng mga testigong sina Gonzalo Payunan at Mark Joseph Gomez na sumaksak gamit ang icepick na ikinasawi ng ama ni Charice na si Ricky Pempengco noong Oktubre 31 sa Barangay Laram sa nasabing bayan.
Suspek humingi ng tawad...
Patawad, hindi ko alam na tatay siya ni Charice!
Ito ang nasambit ng suspek sa maikling panayam ng mga reporter matapos itong dalhin sa Camp Crame.
“Hindi ko siya kilala, nagkainitan lang kami nagkasagian, wala naman kaming alitan, sinuntok niya ako (Ricky Pempengco) kaya binalikan ko siya at gumanti ako,” ayon sa suspek na ipinaabot ang paghingi nito ng tawad sa pamilya ng international singing sensation na si Charice na sumikat sa Glee sa Estados Unidos.
Inihayag rin ng suspek na screw driver ang ginamit niya sa pagpatay sa biktima at hindi icepick tulad ng naunang pahayag ng mga awtoridad base sa hugis ng nilikhang sugat nito sa ama ni Charice.
Samantala, sinabi ni Robredo na minabuti nilang hindi na iharap kay Charice ang suspek dahil baka lumikha lamang ito ng matinding emosyon sa nagdadalamhating international singing star.