Killer ng police colonel, misis sumuko

MANILA, Philippines - Sumuko na sa pulisya ang suspek sa pagpatay sa kaniyang  nakababatang kapatid na police colonel na hepe ng Bayambang PNP at misis nito na pinagbabaril sa loob ng barangay hall sa Alaminos City,  Pangasinan kamakalawa.

Base sa police report, dakong alas-5 ng hapon kamakalawa nang sumuko ang suspek na si Lyndon Millan, 41, kay Alaminos City PNP chief P/Supt. Rolly Saltat.

Si Lyndon ay sinasabing responsable sa pagpatay sa kanyang kapatid na si P/Supt . Lloyd Millan Sr, 39; at misis nitong si Cherryl, 34.

Lumilitaw sa imbestigasyon na  nag-ugat ang pamamaril matapos na mag-away ang magkapatid sa hatian sa lupain at salt farm sa Barangay Pandan sa bayan ng Bayambang.

Nabatid na ipinatawag mismo ni Lyndon si P/Supt. Millan sa barangay hall para pag-usapan ang kanilang sigalutan sa pinag-agawang lupain.

Lumilitaw na naunang dumating sa barangay hall si Lyndon bitbit ang M16 Armalite Rifle kung saan matapos pagmumurahin ang colonel ay bigla na lamang  itong niratrat.

Tinangka namang protektahan ni Cheryll ang asawa kaya pinagbabaril din ito ng suspek sa ulo at iba pang bahagi ng katawan.

Nang duguang bumulagta ang mag-asawa ay binunot pa ng suspek ang cal. 45 pistol na nakasukbit sa baywang nito at muling niratrat ang mga biktima  kung saan bagaman nagawa ring makalabit ng hepe ng dalawang beses ang cal. 9mm pistol.

Inihahanda na ang kau­kulang ebidensya laban sa suspek para sampahan ng kasong double murder.

Show comments