MANILA, Philippines - Tatlo sa limang kalalakihan na sinasabing miyembro ng carjacking group ang iniulat na napaslang makaraang makipagbarilan sa mga tauhan ng PNP–Highway Patrol Group Task Force Limbas at Dasmariñas City PNP sa panulukan ng Barangay Salitran at Salawag sa Dasmariñas City, Cavite kahapon ng madaling-araw.
Sa ulat na nakarating kay PNP-HPG director P/Chief Supt. Leonardo Espina, lumilitaw na naispatan ng mga operatiba ng pulisya ang mga suspek na lulan ng abuhing Toyota Vios (ZBX-561) na may back-up na motorsiklo.
Gayon pa man, umiwas sa inilatag na checkpoint ng PNP kaya nagkahabulan kung saan nauwi sa madugong shootout sa pagitan ng magkabilang panig.
Napatay ang dalawa sa loob ng kotse habang nasawi naman ang isa pa sa ospital kung saan nagawang makatakas ng isa pang kasamahan ng tatlo na tumalon mula sa kotse at ng isa pa na sakay ng motorsiklo.
Narekober ang tatlong cal. 45 pistol, motorsiklo habang sa loob ng kotse ay isang cellular phone, plaka ng sasakyan (ZPK-767 ), mga dokumento, medical kits at ilang damit kabilang ang isang kulay asul na uniporme ng pulis saka camouflage uniform.
Sa record ng Land Transportation Office, ang plakang ZPK-767 ay orihinal na nakarehistro kay Angelo Josayta na kinarnap habang nakaparada sa kilalang food chain sa Katipunan Avenue, Quezon City noong Martes ng madaling-araw (Oktubre 25).