MANILA, Philippines - Napaaga ang salubong ni kamatayan sa isang hukom matapos na magsalpukan ang dalawang sasakyan sa kahabaan ng national highway sa Barangay Kahayagan East sa bayan ng Aurora, Zamboanga del Sur kamakalawa ng hapon.
Sa imbestigasyon, lumilitaw na bumabagtas si Judge Ernesto Maximo Victor Laurel lulan ng Volkswagen Sedan (GGV-417) sa nasabing highway nang makasalubong ang Mitsubishi Montero (KFM 655) ni Victor Francis Victor Escueta.
Nawalan ng kontrol sa manibela si Escueta nang bumulaga sa unahan nito ang sasakyan ng hukom.
Nasa kulungan si Escueta na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide. Si Judge Laurel ay nakatalaga sa Aurora Regional Trial Court Branch 30.