MANILA, Philippines - Bumuo na ng Special Investigation Task Group Fausto ang pamunuan ng pulisya upang resolbahin sa lalong madaling panahon ang pamamaslang sa Italian priest sa bisinidad ng Our Lady of Perpetual Help Parish kamakalawa sa Poblacion, Arakan, North Cotabato.
Ang direktiba ay ipinalabas ni PNP Chief Director General Nicanor Bartolome sa Police Regional Office 12 para mabigyan ng hustisya ang pagpatay kay Fr. Fausto Tentorio, 59, kung saan 30-taong nagsilbi bilang pari sa nasabing lalawigan.
Itinalaga naman para mamuno sa SITG Fausto si P/Chief Supt. Lester Camba, hepe ng Directorate for Administration ng PRO 12.
Kabilang sa anggulong sisilipin ng mga imbestigador ay ang pagiging aktibo ni Fr. Tentorio sa krusada laban sa illegal na operasyon ng minahan sa North Cotabato na nasagasaan nito sa kaniyang mga sermon sa simbahan.
Si Fr. Tentorio ay binaril at napatay ng nag-iisang gunman sa compound ng nasabing simbahan habang ito ay pasakay sa kanyang pickup na patungo sana sa pagpupulong sa Kidapawan City.
Nabatid pa na bago tumakas ng gunmen ay tinangay sa sasakyan ng pari ang cell phone at ilang importanteng dokumento.
Samantala, mahigpit ang ipinatutupad na seguridad sa mga pari partikular sa mga dayuhan at turista na residente ng bansa sa North Cotabato upang maiwasang maulit pa ang insidente.