BAGUIO CITY ,Philippines – Rehas na bakal ang binagsakan ng mag-lover matapos maaresto sa inilatag na buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Cordillera sa Gov. Pack Road sa Baguio City noong Huwebes (Okt. 13).
Pormal na kinasuhan ang mga suspek na sina John Paul Kwo, 30, Tsinoy na packaging engineer sa Texas Instruments Philippines Incorp. At Maria Jamella Rizza Tavares, 23, alias Jaiza na sinasabing nagmula sa angkan ng mga negosyante.
Ayon sa ulat, ang dalawa ay dinakma matapos maaktuhang nagbenta ng .60 gramo ng shabu (P4,000) sa isang tauhan ng PDEA na poseur-buyer malapit sa state university.
Nasamsam din ng PDEA mula sa mga suspek ang Subaru sport utility vehicle (WZZ 386) na sinasabing ginagamit sa ilang transaksyon.
Nahaharap ang dalawa sa kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs) at Section 26b (Conspiracy to Sell Dangerous Drugs) ng Republic Act 9165 (The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
Sa tala PDEA, si Kwo ay sinasabing konektado sa drug syndicate sa Dagupan City, Pangasinan habang si Tavares na sinasabing umaaktong taga-deliver ng droga ay nasa listahan ng Drug Personalities sa Cordillera.