KIDAPAWAN CITY ,Philippines – Napaslang ang isang Italyanong pari matapos itong pagbabarilin ng ‘di-kilalang lalaki sa loob ng compound ng Our Mother of Perpeptual Help Parish Church sa bayan ng Arakan, North Cotabato kahapon ng umaga.
Naisugod pa sa Antipas Medical Specialist Hospital sa tinamong mga tama ng bala ng cal. 9mm sa ulo subalit idineklarang patay si Father Fausto Tentorio, 59, ng Pontifical Institute for Foreign Mission (PIME), isang misyonaryong pari sa nabanggit na simbahan.
Lumilitaw sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, pasakay na sa pickup truck si Fr. Tentorio patungo sana sa Bishop Palace sa Kidapawan City para sa clergy meeting ng Diocese nang lapitan at ratratin kung saan hindi na iginalang ang kasagraduhan ng simbahan.
Sa pahayag ng mga testigo naka-helmet ang gunman kaya hindi nila ito nakilala kung saan naglakad lang palayo sa crime scene saka sumakay sa motorsiklo na nakaparada ilang metro ang layo sa simbahan.
Sa pahayag naman ni Councilor Leonardo “Bobong” Reovoca Jr., si Father Tentorio ay isang anti-mining advocate simula nang ma-assign bilang kura-paroko sa nasabing simbahan.
Aktibo rin ang nasabing pari sa mga kampanya kontra kriminalidad kung saan na-appoint siya bilang pinuno ng Anti-Criminality Task Force sa naturang bayan.
Si Father Tentorio na nagsilbi bilang kura- paroko sa nasabing simbahan sa loob ng 25-taon ang ikalawang pari ng Pontifical Institute for Foreign Mission na pinatay sa North Cotabato kung saan noong 1984 ay binaril at napatay din si Father Tulio Favali na kinain pa ang utak nito ng isa sa suspek na si Edilberto Manero, lider ng Ilaga private armed group sa bayan ng Tukunan, North Cotabato.