3 mag-uutol na pumatay sa 3 HS studes, dakma

BALUNGAO, Panga­sinan, Philippines – Maagang naresolba ng pulisya ang brutal na pamamaslang sa tatlong mag-aaral na hayskul noong Biyernes ng gabi makaraang maaresto ang tatlong mag-uutol na lalaki na pa­ngunahing suspek sa krimen.

Kinilala ni SPO1 Andres Vendiola ang mga suspek na sina Domingo, 38; Jovito, 36; at Saturnino, 30, pawang may apelyidong de Jesus at nakatira sa Barangay San Raymundo sa bayan ng Ba­lungao, Pangasinan.

Samantala, tinutugis din ang isa pang suspek na SPO2 Loreto Florendo na nakatira sa bayan ng Umingan at nakatalaga sa ibang lalawigan.

Positibo naman itinuro ng mga testigo na nagsumite ng affivadit sa pulisya na ang mga suspek ay responsible sa pamamaril at pagpaslang kina Paul Bryan Villapa, Bryan Luna at Mike Sapili na pawang mga 14-anyos at 3rd year sa Balungao National High School.

Ang tatlo ay pinagba­baril ng mga suspek ha­bang nag­lalakad pauwi mula sa lamayan ng kanilang kaibigan sa nasabing barangay.

Nakaligtas naman ang isa pang kaklase ng tatlo na itinago sa pangalang Jose, 14.

Pinaniniwalaang may kaugnayan ang pamamaslang kina Villapa, Luna at Sapili sa pagpatay sa kapatid ng mga suspek na isinasangkot ang ama ng isa sa tatlong mag-aaral noong nakalipas na buwan sa Tarlac.

Show comments