Cavite, Philippines — Tatlong pinaghihinalaang notoryus na hijacker ang napaslang sa engkuwentro sa mga elemento ng Police Intelligence Bureau (PIB) ng Cavite Provincial Police Office (PPO) ilang minuto pagkaraang i-haydyak ang isang 10 wheeler truck na naglalaman ng halos P3 M produkto ng Nestle Philippines sa General Trias, Cavite kahapon ng madaling araw.
Ayon kay Cavite Provincial Police Office (PPO) Director P/Sr. Supt. John Bulalacao, kasalukuyang pang inaalam ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan sa mga napatay na suspek.
Bandang alas-2 ng madaling-araw ng maganap ang shootout sa Brgy. Manggahan, General Trias, Cavite.
Bago ang shootout, sinabi ng opisyal na nasangkot ang mga suspek sa pangha-hijack sa isang 10 wheeler truck (RJY-343) na puno ng karga ng produkto ng Nestle Philippines.
Nang matanggap ang impormasyon ay hindi na nag-aksaya ng pagkakataon ang team ng PIB sa pamumuno nina Supt. Romeo Baleros at Chief Inspector Gil Torralbe at hinabol ang mga suspek hanggang sa makorner sa Brgy. Manggahan ng bayang ito.
Agad pinaputukan ng mga suspek ang mga pulis na nagresulta sa mainitang palitan ng putok sa pagitan ng magkabilang panig na ikinasawi ng tatlong hijacker.
Matagumpay namang nabawi ang naturang mga produkto. Nagsasagawa na ngayon ng follow-up operation ang mga awtoridad sa kasong ito.