MANILA, Philippines - Dinukot ng mga armadong miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) rogue element ang negosyanteng misis sa Barangay Poblacion sa bayan ng Pitogo, Zamboanga del Sur kamakalawa ng gabi.
Sa phone interview, kinilala ni Zamboanga del Sur Provincial Police Office Director P/Senior Supt. Bayani Gucela ang biktima na si Monaliza Kapa, 40, ice plant owner at isa rin sa mga negosyanteng nasa fishing industry sa nasabing lalawigan.
Bandang alas-6 ng gabi nang tangayin si Kapa matapos itong tutukan ng baril saka kaladkarin pasakay sa pump boat kung saan na-monitor na patungo sa bahagi ng Zamboanga Sibugay sa pinagkukutaan ni MILF Commander Waning Abdusalam na sinasabing sangkot sa kidnap-for-ransom sa Zamboanga Peninsula.
Sa kasalukuyan, wala pang hinihinging ransom ang mga kidnaper habang bumuo na ng Crisis Management Committee para sa ligtas na pagpapalaya sa bihag.
Sa follow-up operations, dalawang suspek na hindi muna tinukoy ang pagkakakilanlan ang isinailalim sa imbestigasyon sa posibleng may kinalaman sa pagdukot sa negosyante.