CAMP SIMEON OLA, Legazpi City, Philippines – Tatlo-katao ang iniulat na napaslang sa panibagong karahasang naganap sa magkahiwalay na lugar sa Masbate kahapon ng umaga. Unang napaslang ang magkaibigang Pfc. Junie Mitra, 32, ng Barangay Poblacion at Rodolfo Belza, 59, ng Barangay Calipat-an, San Jacinto matapos tambangan ng mga rebeldeng New People’s Army sa bahagi ng Sitio Dao, Barangay Canares sa bayan ng Batuan, Masbate kahapon ang umaga. Ang dalawa ay lulan ng motorsiklo patungo sa direksyon ng Barangay Burgos nang makasalubong si kamatayan. Samantala, niratrat naman hanggang sa mapatay si Sanicar Bayaga, 38, ng mga di-kilalang lalaki sa loob ng kanyang tindahan sa Barangay Del Rosario sa bayan ng Uson, Masbate.