MANILA, Philippines - Isang 60-anyos na lola na sinasabing may diperensya sa pag-iisip ang hinalay ng kanilang kapitbahay sa Barangay Granada, Bacolod City, Negros Occidental noong nakalipas na Sabado. Sa report ng Bacolod City Women and Children’s Complaint Desk noong Martes lamang ini-report ng biktimang itinago sa pangalang Lola Dionisia ang sinapit sa kamay ng isang 45-anyos na suspek na hindi muna tinukoy ang pangalang habang iniimbestigahan pa ang kaso. Naganap ang krimen matapos na iwanan pansamantala ang lola ng kanyang utol na lalaki na sinasabing kaibigan ng suspek na dumalaw sa kanila. Lumilitaw na napadaan sa lugar ang isang kapitbahay ng mag-utol at nasilip nito sa may bintana ang matanda habang hubo’t hubad na nakatayo habang minomolestiya ng suspek. Kaagad naman nakarating sa kapatid ng matanda ang balita kaya napasugod sa kanilang bahay at naaktuhan ang suspek na ginagahasa ang biktima. Sa tindi ng galit ay binugbog ng kapatid ng matanda ang suspek bago ito dinala sa himpilan ng pulisya.