MANILA, Philippines - Sinalakay ng mga rebeldeng New People’s Army ang tatlong minahan kung saan pinatay ang tatlong sekyu habang binihag naman ang tatlong manager at mga VIPs sa bayan ng Claver, Surigao del Norte kahapon ng umaga.
Ayon kay Army Major Eugenio Julio Osias IV, magkakasunod na sinalakay ng mga rebeldeng naka-camouflage ang mga kompanya ng Taganito Mining, 4 K Mining at ang Platinum Mining sa mga Barangay Hayangabon, Cadianito at sa Barangay Taganito.
Kaagad na sinunog ng mga rebelde sa pamumuno ni Ka Doming ang 10-dump trucks, 8-backhoe, 2-barges at ang guesthouse ng Taganito Mining.
Naglatag din ang mga rebelde ng blocking position sa Sitio Baoy, San Isidro, Gigaquit at sa Brgy. Ladragon sa bayan ng Claver na tinaniman ng landmine ang mga highway laban sa reinforcement troops ng Philippine Army, Regional Public Safety Battalion at Special Action Company ng pulisya.
Dalawang helicopter naman ng Philippine Air Force ang nagbigay ng air support sa ground forces ng Philippine Army at elite forces ng pulisya na idineploy sa nasabing lugar.
Sa phone interview, sinabi ni P/Senior Supt. Emmanuel Talento, tatlong guwardiya rin sa minahan ang pinatay ng mga NPA na kasalukuyan pang kinukumpirma dahil patuloy pa rin ang bakbakan.
Isa sa mga hinostage ay nakilalang si Jose Anievas, manager ng minahan sa Taganito, mga VIP’s at dalawa pang manager ng minahan na ginawang human shield ng mga rebelde laban sa tropa ng militar at pulisya.
Kasunod nito, tinambangan naman ng mga rebelde ang convoy ni Caraga regional director P/Chief Supt. Reynaldo Rafal sa highway ng Barangay Baganga, Kitsarao may ilang kilometro lamang ang layo sa minahan ni-raid ng NPA sa bayan ng Claver.
Napag-alamang pabalik na ang convoy ni Rafal sa himpilan ng Police Regional Office 13 sa Butuan City mula sa pagsusuperbisa sa naganap na pag-atake ng NPA sa mga mining company nang maganap ang insidente kung saan ligtas naman ang grupo ng opisyal.
Lumilitaw sa imbestigasyon na ang maaring pagmamatigas ng may-ari ng 3 minahan na magbayad ng revolutionary tax sa NPA ang isa sa ugat ng marahas.
Patuloy naman ang pagtugis sa grupo ng NPA na bumihag sa mga manager at VIP’s ng minahan upang iligtas ang mga biktima.