Fetus iniwan sa karinderya

DARAGA, Albay ,Philippines  —Li­mang buwan gulang na fetus na lalaki ang inabandona ng isang 19-anyos na babae sa loob ng pali­kuran sa isang karinderya sa Barangay Sagpon sa bayan ng Daraga, Albay kamaka­lawa ng hapon.

Base sa police report, dakong alauna ng hapon nang matagpuan ang duguang fetus sa sementadong sahig ng palikuran na sinasabing inabandona ng di-kilalang babae.

Bago madiskubre ang fetus ay huling gumamit ng palikuran ang isang babae na nagmula pa sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital na ilang metro lamang ang layo sa nasabing kainan.

Dito naghinala ang isang tindera sa babae dahil 30-minuto ito sa loob ng palikuran bago lumabas. Pagkalabas ng babae ay kaagad na inusisa ng tindera ang palikuran kung saan natagpuan ang fetus subalit hindi na mahagilap ang 19-anyos na babae na sinasabing mabilis na sumakay sa traysikel.

Show comments