2 bata, misis nalibing nang buhay

BAGUIO CITY, Philippines – Dala­wang batang Ifugao at isang 45-anyos na mi­sis ang iniulat na nasawi matapos matabunan ng gumuhong putik sa bayan ng Hingyon sa pananalasa ng bagyong Pedring noong Martes, ayon sa ulat ng Office of Civil Defense-Cordillera.

Kinilala ang mga nasawi na sina Linda Humiding na nasawi sa landslide sa Barangay Mompolia habang sina Angelie Gano, 8; at Ryan Nanglegan, 14, ay nalibing nang buhay sa landslides sa Barangay Umalbong sa nasabing bayan.

Sa ulat ni Olivia Luces, OCD-Cordillera director, kasalukuyang naman pinaghahanap si Juliano Omas, 30, matapos ta­ngayin ng agos sa ilog sa Barangay Bashoy sa bayan ng Kabayan, Benguet.

Samantala, sugatan naman si Duane Castaneda, 40, matapos mahagip ng punungkahoy na tumumba sa Barangay San Gregorio, La Paz, Abra habang nasagip naman si Nardo Galotia, 45, mula sa landslide sa Barangay Umalbong sa bayan ng Hingyon, Ifugao.

Kasunod nito, aabot sa 8 pamilya sa Barangay Cabaroan sa Tabuk City, Kalinga ay nailikas patungong Laya Elementary School matapos umapaw ang Chico River.

Puwersahan naman inilikas ang 26 pamilya mula sa Sitio Little Kibungan, Barangay Puguis sa bayan ng La Trinidad, Benguet na kasalukuyang nasa Puguis Elementary School. 

Patuloy naman na daraan ang mga ruta patu­ngong Baguio City tulad ng Naguillan Road at Marcos Highway habang nagsasagawa naman ng clearing operation ang mga awtoridad sa Kennon Road, partikular sa kahabaan ng Camp 5 at 4 sa bayan ng Tuba, Benguet dahil sa panaka-nakang landslides.

Show comments