Ama dinos por dos ng anak, dedo

MANILA, Philippines - Mistulang sinapian ng masamang espiritu ang isang 20-anyos na anak matapos nitong patayin sa hataw ng dos por dos na kahoy ang sariling ama habang natutulog sa loob ng kanilang tahanan sa bayan ng Sta. Barbara, Iloilo kamakalawa ng gabi.

Sa police report na nakarating sa Camp Crame, napuruhan sa ulo si Reynaldo Soravilla, 47, habang nahaharap naman sa kasong parricide ang anak na si Ronald Soravilla, kapwa nakatira sa Brgy. Lupa sa nasabing bayan.

Bago maganap ang krimen, iginapos ng ama ang anak dahil sa panununtok nito sa sikmura sa kaniyang inang si Aurora.

Nabatid na ang suspek ay dumanas ng ner­vous breakdown kung saan tuwing susumpungin ay nananakit kaya iginapos ito ng ama.

Gayon pa man, nagawang kalasin ng suspek ang tali sa pagkakagapos kung saan kinuha nito ang dos por dos na kahoy at hinataw sa ulo ang kaniyang ama na inakala nitong kaniyang kaaway.

Inawat naman ng mga kasambahay ang suspek subalit hindi na nasagip ang buhay ng biktima.

Sising alipin naman ang suspek sa nagawang brutal na pamamaslang sa kanyang ama habang nakakulong sa himpilan ng pulisya at inihahanda na ang kaukulang kaso.

Show comments