STA. BARBARA, Pangasinan, Philippines – Isa na namang menor-de-edad na estudyante sa hayskul ang iniulat na napaslang makaraang pagsasaksakin ng kanyang schoolmate na 16-anyos sa loob ng Payas National High School noong Miyerkules ng umaga sa bayan ng Sta. Barbara, Pangasinan.
Napuruhan sa tiyan at kaliwang braso kung saan idineklarang patay sa Region 1 Medical Center sa Dagupan City ang biktimang si Mike Angelo Quibec, 15, habang tumakas naman ang suspek na itinago sa pangalang Grego, senior high school student sa nasabing eskuwelahan.
Narekober ng pulisya sa crime scene ang balisong at duguang arm chair na ginamit naman ng biktima para salagin ang mga saksak na naganap sa alley ng eskuwelahan habang nagre-recess ang mga mag-aaral.
Wala namang umawat na kapwa estudyante sa naganap na insidente sa takot na madamay sa kaguluhan.
Nagpadala na ng pangkat ng supervisor si Dr. Aurora Domingo, superintendent ng Pangasinan 1 School Division para magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon.
“Na-shock ako, nang mapanood ko sa telebisyon ang 13-anyos na batang lalaki na nagbaril sa ulo matapos mabaril ang kanyang kaibigang 17-anyos sa loob ng mall sa Pampanga at hindi ko inaasahang magaganap naman sa aming eskuwelahan dito,” pahayag ni Dr. Domingo
Ipinag-utos na rin ni Dr. Domingo ang mas lalong mahigpit na seguridad sa mga eskuwelahan para ’di-na maulit ang insidente sa darating na panahon.
Noong Sept. 15, isang 12-anyos na mag-aaral din ang napatay ng kanyang kaklase matapos gulpihin at sakalin sa loob ng classroom sa Baguio Central School sa Baguio City.